U.S nag-alok ng tulong para hanapin ang nagtatagong miyembro ng Aegis Juris fraternity

Nag-alok ng tulong ang United States Department of Homeland Security sa Pilipinas para matunton si Ralph Trangia, ang myembro ng Aegis Jusris fraternity na sangkot umano sa pagkasawi ni Horacio Castillo III.

Ayon kay Department of Justice Secretary Vitaliano Aguirre, nakausap niya ang ilang kinatawan ng nasabing tanggapan at nag-alok ng impormasyon kung kinakailangan ng Pilipinas ng tulong para mapabalik si Trangia sa bansa.

Sinabi ng kalihim na inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Foreign Affairs na makipag-ugnayan sa US para sa posibleng pagpapa-deport kay Trangia sa bansa.

Si Trangia ay lumipad tungong US kasama ang kanyang inang si Rosemarie noong September 19.

Samantala, ipinahayag ni Aguirre na hindi basta-basta makakansela ng Department of Foreign Affairs ang pasaporte ng naturang pangunahing suspek sa pagkamatay ni Castillo.

Aniya, kailangan ng sapat at matibay na batayan ng DFA para gawin ito.

Matatandaang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapakansela sa pasaporte ni Trangia.

Read more...