Umano’y utak ng #NasaanAngPangulo rumesbak kay RJ Nieto

Inquirer photo

Sinagot na ng publicist at PR expert na si Joyce Ramirez ang mga bintang na siya ang nasa likod ng anti-Noynoy Aquino campaign na #NasaanAngPangulo.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Ramirez na pawang mga hearsay at tsismis lamang ang mga impormasyon na inilahad sa Senado ng Thinking Pinoy blogger na si RJ Nieto.

Sinabi ni Ramirez na halos ay dalawang dekada na siya sa PR industry pero kahit kailan ay hindi sila nagkausap o naging kliyente man lamang ni dating Interior Sec. Mar Roxas.

Sa kanyang testimonya sa Senado, sinabi ni Nieto na nilikha ang #NasaanAngPangulo para isalba ang popularidad ni Roxas noong nakalipas na 2010 elections.

Ito umano ang nakikita nilang paraan para hindi maisabit ang pangalan ni Roxas kay dating Pangulong Noynoy Aquino na inulan ng batikos makaraan niyang isnabin ang pagdating sa Villamor Airbase ng mga tauhan ng PNP-SAF na napatay sa Mamasapano sa Maguindanao.

Sinabi ni Roxas na gusto lamang magpasikat ni Nieto kaya siya gumagawa ng kwento laban sa mga kasapi ng Liberal Party.

Binatikos rin ng nasabing PR expert ang Thinking Pinoy blogger ng dahil sa kanyang pagiging defender ng Duterte administration habang siya naman ay naglilingkod rin bilang consultant ng Department of Foreign Affairs.

Sa imbestigasyon ng Senado kaugnay sa pagkalat ng fake news ay sinabi ni Nieto na tumatanggap siya ng P12,000 na buwanang sweldo bilang social media influencer ng DFA.

Nauna na ring itinanggi ni Roxas na siya ang nasa likod ng #NasaanAngPangulo.

Read more...