Ito ang ibinunyag ng National Democratic Front of the Philippines kasunod ng paratang na nakikipag-sabwatan sila ng partido oposisyon para guluhin ang administrasyon.
Sa isang statement, sinabi ng NDFP na ang pag-uugnay sa kilusang komunista sa ilang partido pulitikal partikular ang Liberal Party ay bahagi ng plano para magtatag ng diktaturyang gobyerno si Duterte.
Nakapaloob umano sa plano ang “clampdown” sa miyembro ng oposisyon at iba pang grupong sumasalungat sa mga hakbang ngayon ng pamahalaan.
Nanindigan ang political arm ng Communist Party of the Philippines na walang nangyayaring alyansa sa anumang grupo pero maaari umano nilang suportahan ang inisyatiba lalo na kung kahalintulad ng kanilang mga ipinaglalaban.
Binatikos din ng grupo ang planong pagbuo ng isang vigilante-style group na Citizen National Guard na isinusulong ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na maaaring magbigay daan sa pag-atake at panggigipit sa mga itinuturing na kaaway ng pamahalaan.
Ang mga hakbang na ito anila ay senyales ng pagiging desperado ng Duterte Administration upang maitaguyod ang ambisyong pulitikal nito.