(UPDATE) Apat ang nasawi at hindi bababa sa 40 ang nasugatan makaraang sumabog ang water tank sa bahagi ng Barangay Muzon, San Jose Del Monte, Bulacan.
Ayon kay San Jose Del Monte Police Chief, Supt. Fitz Macariola, nawasak ang water tank at rumagasa ang tubig sa mga bahay at establisyimento sa palibot nito.
Dahil dito, may mga bahay na nasira, tatlo ang nasawi at sa 42 ang mga nasugatan na dinala sa iba’t ibang pagamutan.
Nakilala ang mga nasawi na sina Jimmy Garcia, 50-anyos, Elaine Chamzon, 22-anyos, isang taong gulang na bata na si Jaina Espina at isang taong gulang rin na si Niña Ape.
Tinatayang aabot sa 2,000 cubic meters ang capacity ng bumigay na tangke.
Samantala, sinabi naman ni Gina Ayson Su ng SJDM Disaster Risk Reduction and Management Office, limang taon pa lamang ang nasabing tangke.
Inaalam pa ang dahilan kung bakit ito bumigay.
Pero ayon sa isang caretaker sa lugar, naganap ang pagsabog alas 3:30 ng madaling araw at may narinig silang tunog ng pagkasira o crack mula sa tangke.
Maliban sa hindi bababa sa 60 mga bahay na nasira, nadamay din ang ilang establisyimento gaya ng gasoline station, at maging ang himpilan ng pulisya ng San Jose Del Monte kasama ang kanilang police mobile.