Ipauubaya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na pangulo ng bansa ang pakikipag-usap sa Communist Party of the Philippines.
Sa change of command ceremony ng Philippine Army, sinabi ni Duterte na hindi siya makikipag-usap sa komunistang grupo dahil hindi raw ito makabubuti para sa bansa.
Hindi rin umano nagpakita ng sinseridad ang mga rebelde dahil sa pagpapatuloy ng kanilang mga iligal na gawain.
Aniya, sa mga nangyayari ngayon ay kinakailangan pa ng panahon para maipagpatuloy ang usapang pangkapayaan at posibleng ibang pangulo na ang gagawa nito.
Itinigil ni Duterte ang usapang pangkapayaan ng gobyerno sa Communist Party of the Philippines-National Democratic Front of the Philippines-New People’s Army matapos ang serye ng pag-atake ng NPA sa tropa ng gobyerno.
Gayunman, wala pang pormal na pahayag ang gobyerno sa pagtalikod nito sa peace talks sa komunistang grupo.