Test Run ng PNR hindi natuloy

June9 PNR via Ricky
Kuha ni Ricky Brozas

Ipinagpaliban ng Philippine National Railways (PNR) ang nakatakdang test run ng kanilang tren Martes ng umaga.

Ayon Kay PNR Spokesperson Paul De Quiros, may kailangan pa silang tapusin bago tuluyang patakbuhin ang mga tren.

Hindi naman binanggit ng opisyal kung ano ang mga repair na gagawin dahil sa pagiging teknikal ng usapin.

Hindi rin muna siya nagbigay ng eksaktong petsa kung kailan gagawin ang test run.

Sa pamamagitan sana ng test run ay malalaman ng PNR kung sila ba ay bibigyan ng safety certification ng International safety agency na Tuv Rhein na isang pribadong engineering firm.

Una nang kinansela ang byahe ng mga PNR trains matapos madiskaril ang isa sa mga bagon nito kamakailan.

Target sana ng PNR na sa June 15 ay maibalik na ang operasyon ng mga tren.

May 5, 2015 nang ihinto ang biyahe ng PNR trains mula Tutuban sa Maynila hanggang Calamba sa Laguna para mabigyang daan ang pagsasaayos ng mga riles.

Aabot sa 100 PNR personnel ang itinalaga para inspeksyunin ang mga riles matapos makitaan ng mga nawawalang parte gaya ng angle bars, rail clips at rail joints na nagdulot ng pagkadiskaril ng tren at pagtagilig ng bagon sa bahagi ng Magallanes. / Ricky Brozas

Read more...