Aminado ang Bureau of Fire Protection-National Capital Region (BFP-NCR) na nagkulang ang kanilang inspector na bumista sa Kentex Manufacturing Corporation.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay BFP-NCR Director for Operations, Sr. Supt. Crisfo Diaz, inisyuhan kasi ng “notice to comply” ng kanilang inspector ang Kentex pero nabigo na itong balikan ang kumpanya para alamin kung ito ay nakasunod sa mga requirements.
“Humantong lang kasi sa notice of comply sa Kentex, hindi na nafollow-up, kung ang trabaho ng safety inspector ay napabayaan niya, kung may kapabayaan siya, may haharapin syiang kaso,” sinabi ni Diaz.
Kasabay nito ay itinanggi ni Diaz na nagbebenta sila ng fire extinguishers sa mga business establishments kapalit ng pag-iisyu ng fire safety inspection certificates sa mga ito.
Nagbiro pa si Diaz at sinabing wala silang business permit para magbenta ng fire extinguishers.
Ayon kay Diaz, ginagawa naman ng BFP ang kanilang trabaho na inspeksyunin ang mga establisyimento para matiyak na sumusunod ito sa fire safety standards, gayunman, may mga kumpanya aniyang sadyang matitigas ang ulo.
Sinabi ni Diaz na may mga establishment owners na kapag naisyuhan na ng business permit ng mga LGU ay hindi na nagpapapasok ng mga inspektor ng BFP at ng Labor Department.
“Maraming pabrika na ganiyan, kapag may business permit na sila sa LGU, binabalewala na nila mga inspectors namin,” sinabi ni Diaz. / Dona Dominguez-Cargullo