Valenzuela City hindi nagkulang ng tulong sa mga biktima ng Kentex fire ayon kay Mayor Gatchalian

rex2
Radyo Inquirer file

Nagpapatuloy ang tulong ng Pamahalaang Panglungsod ng Valenzuela sa mga kaanak ng mga biktima ng Kentex Fire na nag-resulta sa kamatayan ng may pitumpu’t dalawa katao.

“Nabigyan na ng hanapbuhay ang karamihan sa kanila, na-relocate na rin sila sa mas maayos na mga lugar bukod pa sa financial assistance na ibinibigay ng City Government”, pahayag ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian sa panayam ng Radyo Inquirer.

Ipinaliwanag din ng opisyal na dapat managot ang mga nagpabaya sa hanay ng Bureau of Fire Protection na nabigong gawin ang kanilang trabaho para inspeksyunin ang mga pabrika at tiyakin na ligtas ang mga ito sa sunog.

Dagdag pa ni Gatchalian, “ilang araw makaraan ang sunog ay sumasama sa atin ang mga tauhan ng BFP sa inspection pero ngayon ay tumigil na naman sila, sa kabuuang 15,000 establishments sa lungsod ay nasa 1,500 lamang ang kanilang na-ispeksyon at kung ano ang dahilan ay sila lang ang nakaka-alam”.

Inamin din ni Gatchalian na naniniwala siyang nagkakaroon ng anomalya sa pag-iisyu ng Fire Safety Inspection Certificate dahil marami na siyang sumbong na natatanggap kaugnay sa mga bayaran na tauhan ng Bureau of Fire Protection.

“Tulad na lamang ng isang malaking Mall sa amin, wala namang binago sa kanilang gusali pero biglang naghigpit ang BFP yun pala bago ang inspector pero makalipas ang isang araw ng pag-uusap ay nag-isyu rin sila ng Fire Safety Inspection Certificate nang hindi man lamang sinisilip ang buong istraktura”, ayon pa kay Gatchalian.

Ipinaliwanag din ng opisyal na nagpapatuloy ang kanilang pagtingin sa mga commercial establishments sa lungsod katuwang ang Labor Department para matiyak na sila ay sumusunod sa building at labor code.

Read more...