Nilinaw ni Nationalist People’s Coalition (NPC) Spokesman at Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian na wala pang desisyon ang kanilang partido kung sino ang kanilang susuportahang presidential candidate para sa 2016 National Elections.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Gatchalian na mag-uusap pa ang mga matataas na opisyal ng NPC at dito nila titimbangin ng husto ang mga katangian ng isang kandidato para sa darating halalan.
Pero aminado ang naturang opisyal na sa hanay ng mga presidential aspirants ay nakalalamang na si Sen. Grace Poe na bagaman hindi pa kumpirmadong tatakbo sa eleksyon ay sinasabing paborito na ng ilang NPC members.
“Almost 80% ng mga kasapi ng NPC ang pabor sa tambalang Poe-Escudero para sa 2016 dahil dating kasapi n gaming partido si Sen. Chiz Escudero”, paliwanag ni Gatchalian.
Si Poe aniya ay nagpapakita ng puso at laging binabanggit ang “inclusive growth” na nagpapakita ng malasakit sa mga pangkaraniwang mamamayan ani Gatchalian.
Binanggit din ng tagapagsalita ng NPC na maraming kaibigan sa kanilang partido si Escudero kaya malakas ang hatak ng naturang mambabatas sa kanilang membership.
Ang Nationalist People’s alliance ay ikalawa sa pinaka-malaking political party sa bansa kung saan marami sa kanilang mga miyembro ay pawang mga gobernador at mayors.
Kamakailan lang ay isa-isang ipinatawag ng NPC ang mga pumuporma na sa presidential race na kinabibilangan nina Vice-President Jejomar Binay, Sen. Grace Poe at DILG Sec. Mar Roxas.
Sa nasabing mga pagpupulong ay iprinisinta nina Binay, Poe at Roxas ang kani-kanilang mga sarili pati na rin ang kanilang mga plano sa halalan sa susunod na taon.
Isusunod namang ipatatawag ng NPC ang ilang mga tatakbo sa vice-presidential race para isalang sa kanilang tinatatawag na “job interview”.