Nilinaw ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino na hanggang ngayon ay wala pang pinal na desisyon ang kanyang kampo kaugnay sa anumang plano para sa 2016 elections.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Tolentino na mag-uusap pa sila ni Pangulong Noynoy Aquino tungkol sa daang tatahakin ng kanilang partido sa susunod na halalan.
Ayon kay Tonlentino, “anuman po ang maging desisyon ng Pangulo ay susunod ako sa kanya dahila mahalaga ang gabay na ibibigay ng ating lider”.
Ipinaliwanag din ni Tolentio na ipina-uubaya niya sa taumbayan kung anuman ang kanilang magiging pasya sa kung anuman ang kanyang magiging desisyon sa 2016.
“Basta ako po ay susunod lang sa pasya ng Liberal Party, bagama’t may mga plano ako pero sa huli ang desisyon pa rin ng partido ang siyang mangingibabaw”, dagdag pa ni Tolentino.
Ipinaliwanag din ng MMDA Chairman na hindi na dapat gamitin sa pamumulitika ang pamimigay nya ng lumang traffic lights sa Legazpi City sa Albay.
Ayon kay Tolentino, “hindi na po ginagamit sa Metro Manila yung mga traffic lights na yun, kesa itapon natin pwede pa namang pakinabangan sa ibang lugar kaya ipinamigay na namin”.