Nagpaliwanag ang 10 katao na miyembro ng Asian Anti-Communist League of the Philippines, Inc. at inaresto Lunes ng hapon matapos mahulihan ng mga baril sa Camp Aguinaldo.
Ayon sa grupo, nagtungo sila sa Camp Aguinaldo para i-follow up ang request nilang military hardware.
Sinabi ni Daniel Pagalan Sr., ang tumatayong lider ng grupo, wala silang masamang intension.
Aniya, mayroon silang dokumento na isinumite sa Camp Aguinaldo dalawang linggo na ang nakakaraan na naka-address rin kay Pangulong Rodrigo Duterte kung saan nakasaad ang kanilang paghingi ng tulong.
Ayon pa kay Pagalan, tumutulong sila sa mga residente ng kanilang lugar sa South Cotabato.
Aminado rin si Pagalan na wala silang lehitimong lisensya sa kanilang mga baril, ngunit sa kanilang samahan ay mayroon silang sariling mga dokumento para sa kanilang mga armas.
Base sa dokumentong hawak ng grupo ni Pagalan, kaugnay sila ng Armed Forces of the Philippines, ngunit ayon naman kay SPO1 Joseph Daracan, hindi alam ng AFP ang tungkol sa naturang grupo.
Nang tanuning naman tungkol sa gun ban, sinabi ni Pagalan na hindi nila alam na may ipinapatupad na gun ban dahil sa pagkakaalam nila, hindi naman tuloy ang eleksyon.