Ito ay kasunod na rin ng pagbubunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 116th commemoration ng Balangiga encounter na aabot na sa 9,000 pulis ang sangkot sa ilegal na droga.
Ayon kay Dela Rosa, sa una pa lamang ay may 2 percent na sa kabuuang 175,000 pulis ng PNP ang alam nyang sangkot dito, pero hindi nya inaasahan na lumubo na pala ito sa mahigit 5 percent.
Nilinaw nya naman na sa naturang bilang, hindi lahat doon ay pasok sa sindikato.
Maaring ang kahulugan lamang aniya nito ay may mga pulis na pabaya sa kanilang trabaho at pinapabayaan na lamang mamamayagpag ang iligal na gawain sa kanilang lugar.
Paliwanag pa ni Bato, kasama sa numerong nabanggit ng pangulo ang mga aktibong pulis na una na nilang nasampahan ng kaso.
Ayon pa sa hepe ng PNP, kung siya lamang ang masusunod ay nais nya na pagpapatayin na lamang ang mga pulis na sangkot sa droga.
Gayunman, batid nya na magiging international issue na naman ito kung kaya’t mas mainam na hulihin at kasuhan na lang ang mga ito.