Pormal nang nagsampa si Justice Sec. Vitaliano Aguirre II ng criminal complaint laban kay Senator Risa Hontiveros sa Pasay City Prosecutors Office.
Sa kaniyang reklamo, nais ng kalihim na mapanagot sa paglabag sa Republic Act 4200 o Anti-Wiretapping Law si Hontiveros dahil sa pagsasapubliko ng larawan ng umano at text messages sa pagitan ni Aguirre at isang “Cong. Jing” na tinukoy ng senadora na si dating Negros Oriental Rep. Jacinto Paras.
Ayon kay Aguirre, sa piskalya niya inihain ang reklamo sa halip na sa Office of the Ombudsman dahil hindi gumaganap ng kaniyang tungkulin bilang senador si Hontivers nang gawin nito ang umano ay paglabag.
Tiniyak naman ni Aguirre na patas ang magiging pagtrato sa kaso kahit pa sakop niya bilang DOJ secretary ang piskalya kung saan niya inihain ang reklamo.
Nauna nang naghain ng parehong reklamo sa Ombudsman si Paras laban kay Hontiveros.