Ikinamatay ni Renzo Rei Bodoy ang maraming tama ng saksak sa kaniyang katawan matapos siyang tumanggi na isuko ang kaniyang cell phone sa holdaper na si Richard Pring, 32 anyos.
Hindi rin nagtagal at naaresto rin ng mga pulis si Pring sa kaniyang tahanan sa Grace Park, Caloocan City, at iniharap kay Manila Mayor Joseph Estrada kahapon.
Ayon sa imbestigador na si Jonathan Bautista, nakasakay si Bodoy sa isang jeep pa-Quiapo bandang alas sais y medya ng umaga ng Martes, nang sumakay si Pring sa may Liwasang Bonifacio sa Pandacan.
Nang makaakyat na ang jeep sa Quezon Bridge, biglang pilit inagaw ng suspek na armado ng kutsilyo ang bag ng biktima pati ang kaniyang cell phone ngunit nagmatigas ang estudyante at tumangging bitiwan ang kaniyang gamit kaya inambahan siya ng suspek na sasaksakin sa dibdib.
Nakatalon mula sa jeep si Bodoy pero nagawa siyang sundan ni Pring at paulit-ulit siyang sinaksak bago tumakas.
Agad na dinala sa ospital ang biktima kung saan siya ay idineklarang patay dahil sa mga natamong sugat.
Sabi naman ng isang testigo, puno ang jeep na kanilang sinasakyan, pero si Bodoy na nakaupo sa harap ni Pring ang tanging napagdiskitahan dahil inilabas niya ang kaniyang cell phone.
Sa panayam sa suspek, lasing raw siya at may matinding pangangailangang pinansyal kaya niya nagawa ang krimen. Ayon kay Bautista, haharap si Pring sa kasong robbery with homicide.
Nagpaalala naman si Chief Insp. Alexander Rodrigo ng Manila Police Department – Homicide Division sa mga pasahero na iwasan ang paglalabas ng kanilang mga gadget tulad ng cell phone tuwing nasa pampublikong lugar para hindi makaakit ng magnanakaw at para na rin sa kanilang sariling kaligtasan.