Matapos ang paglikas ng mahigit 140,000 katao dahil sa pangambang pagsabog ng Mt. Agung, ipinag-uutos ng Gobernador ng Bali, Indonesia ang pagbalik ng mga residente sa labas ng immediate danger zone sa kanilang mga tahanan.
Nagiging mahirap na kasi anya ang sitwasyon sa emergency shelters dahil sa dami ng evacuees.
Aabot lamang sa 500 temporary shelters ang naset-up para sa 70,000 katao na nasa loob ng 12km danger zone ngunit nasa 140,000 katao ang lumikas.
Bunga ito ng babala ng awtoridad sa mataas na lebel ng aktibidad na pinapakita ng bulkan.
Daan-daang pagyanig din ang nararanasan sa base ng Mt. Agung.
Gayunpaman, iginiit ni Sutopo Purwo Nugroho, spokesman ng national disaster mitigation agency, na dapat nang umuwi ang mga taong hindi kabilang sa 27 villages na dapat lumikas.
Binigyan naman ni Nugroho ng opsyon ang mga evacuees na umuwi ng kusa o magpatulong sa pamahalaan.
Samantala, hinihikayat naman ng opisyal ang mga turista na magtungo pa rin sa Bali dahil safe naman anya ang sitwasyon doon sa ngayon.
Sikat na tourist destination ang Bali kung saan aabot sa 5 milyong katao ang bumisita ngayon.
Aabot sa 1,000 katao ang namatay nang sumabog ang Mt. Agung noong 1963.