Pinag-aaralan na ng mga eksperto sa Louvre sa Paris ang isang charcoal drawing na tinatawag na ‘Monna Vanna.’
Ito ay dahil mayroon itong ‘striking resemblance’ sa masterpiece ni Leonardo da Vinci na ‘Mona Lisa.’
1862 pa nasa Conde Museum sa Chantilly, Paris ang naturang drawing.
Matapos ang isang buwang pagsasagawa ng test sa ‘Monna Vanna’ ay sinabi ng mga curator ng naturang museo na posibleng bahagi nito ay ginawa ni da Vinci.
Ayon kay Mathieu Deldicque, curator ng Conde Museum, ang pagkakaguhit sa mukha at mga kamay ng ‘Monna Vanna’ ay mayroong pagkakahawig sa kung paano iginuhit ni da Vinci ang ‘Mona Lisa.’
Dagdag pa nito, maaaring ang charcoal drawing ay ‘preparatory work’ para sa isa sanang oil painting.
Mayroon ding kaparehong sukat ang ‘Monna Vanna’ sa ‘Mona Lisa.’
Ngunit ayon naman kay Bruno Mottin, isang conservation expert sa Louvre, kailangang siyasating maigi ang charcoal drawing para masiguradong si da Vinci talaga ang may gawa nito.
Aniya, aabutin ng dalawang taon bago malaman kung sino ang gumawa ng drawing, na saktong oras sa pagdiriwang ng ika-500 anibersaryo ng kamatayn ni da Vinci.
Sa ngayon, sampung mga eksperto ang nag-aaral sa naturang drawing gamit ang iba’t ibang mga metodolohiya.
Samantala, naniniwala ang mga art historians na gumawa rin si da Vinci ng nude version ng ‘Mona Lisa’ at malaki umano ang posibilidad na ang ‘Monna Vanna’ na nga ito.