Mag-asawang illegal recruiter, timbog sa ikinasang operasyon ng CIDG

Arestado sa ikinasang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group – Anti Transnational Crime Unit (CIDG-ATCU) ang isang mag-asawang napag-alamang nag-ooperate bilang mga illegal recruiter sa Barangay Loma de Gato sa lalawigan ng Bulacan.

Kinilala ang mga suspek na sina Jeffrey at Luz Quiambao.

Naaresto ang dalawa sa bisa ng isang warrant of arrest na inisyu ni Judge Emma Matamu ng Valenzuela Regional Trial Court.

Napag-alaman na ang kadalasang binibiktima ng mag-asawang recruiter ay ang mga mula sa mga probinsya ng Ilocos at Pangasinan.

Ang modus umano nila ay hihingi sila ng malaking halaga ng pera sa mga biktima para mabilis na makakuha ng visa papuntang Japan, kung saan maaari silang magtrabaho bilang trabahante sa mga hotel at factory. Ngunit napag-alaman na walang lisensya ang mag-asawa mula sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Matapos mahuli ang dalawa ay nagsipuntahan sa himpilan ng CIDG ang mga nabiktima ng mag-asawa.

Hinimok naman ng CIDG-ATCU ang iba pang nabiktima nina Quiambao na lumutang at magsampa ng kaso laban sa mga ito.

Read more...