Mga magulang ni Atio, nagbigay na ng DNA samples sa pulisya

Nagbigay na ang mga magulang ni Horacio “Atio” Castillo III ng DNA samples para mai-kumpara sa mga forensic evidences na kanialng nakalap mula sa library ng Aegis Juris fraternity.

Ayon kay Manila Police District (MPD) Director Joel Coronel, sumailalim rin sa blood analysis, fingerprinting at fiber trace examination ang mga magulang ni Castillo.

Una nang kinumpirma ng MPD na nakarekober sila ng forensic evidence sa fraternity nang buksan nila ang library para sa imbestigasyon.

Gayunman, hindi naman nabanggit ng pulisya kung kasama sa kanilang mga nakita ang bodily fluids na posibleng mula kay Castillo o sa mga suspek, tulad ng dugo, laway o suka.

Maliban naman sa mga forensic material, nakumpiska rin nila ang tatlong wooden paddles na may markang “Aegis Juris.”

Samantala, nakatakda namang makipagkita ang mag-asawang Castillo kay Pangulong Rodrigo Duterte sa October 4 ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre II.

Read more...