Isinagawa na ang ground breaking ceremony sa pagtatayo ng common station na magdudugtong sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) systems.
Ito’y kasunod ng pirmahan ng memorandum of understanding (MOU) ng Department of Transportation (DOTr) at mga pribadong sektor na may kaugnayan sa common station na itatayo sa pagitan ng SM North EDSA at Trinoma Mall.
Ayon kay Transportation Undersecretary Cesar Chavez, ang common station na itatayo ay may lawak na 13,700 square meters at magdudugtong sa LRT 1 na mula Roosevelt station sa Quezon City hanggang Baclaran station sa Parañaque, MRT-3 mula North Avenue station sa Quezon City hangagng Taft Avenue station sa Pasay, at MRT-7 na ginagawa sa North Avenue sa Quezon City hanggang San Jose del Monte in Bulacan.
Ground breaking sa pagtatayo ng MRT-LRT common station, isinagawa I @dzIQ990 pic.twitter.com/4zL8vyZFUP
— Mark Makalalad (@MMakalaladINQ) September 29, 2017
Matatandaang pitong taon na naantala ang common station dahil sa demandahan.
Nagsimula ang plano sa common station project noong 2009 kung saan ilalagay ang naturang istasyon na malapit sa SM North EDSA.
Pero sa pagpasok ng administrasyong Aquino, inilagay ang istasyon malapit sa Trinoma ng Ayala Corp. dahil mas makatitipid umano ang gobyerno.
Dahil dito, nagkademandahan dahil sa paglabag sa kasunduang naganap noong 2009 at noong 2014 naman nagpalabas ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema para pigilan ang anumang paggawa ng common station.
Sakaling ma-lift ang TRO inaasahang matatapos ang common station sa April 2019.