Pagpapalaya kay John Paul Solano ipinag-utos ng DOJ

Iniutos ng Department of Justice (DOJ) ang pagpapalaya kay John Paul Solano na isa sa mga itinuturong suspek sa hazing na ikinamatay ni Horacio “Atio” Castillo III.

Nilagdaan ni acting Prosecutor General Jorge Catalan Jr. ang nasabing kautusan para kay Solano na nakakulong ngayon sa detention cell ng Manila Police District.

Pero nilinaw ni Catalan na hindi pa lusot sa pananagutan sa batas si Colano at obligado siyang dumalo sa preliminary investigations na nakatakda sa October 4 at 9.

Si Solano na miyembro ng Aegis Juris Fraternity ay sinampahan ng kaso sa paglabag sa Anti-Hazing Law ng MPD makaraan siyang magpasa-ilalim sa custody ng mga pulis.

Bukod kay Solano ay kinasuhan na rin ng MPD ang labingpitong iba pang miyembro ng Aegis Juris Fraternity na sinasabing nasa likod ng hazing na ikinamatay ni Castillo noong Setyembre 17.

Nauna nang kinuwestyon ng abogado ni Solano ang ginawang pagsasa-ilalim dito sa inquest proceedings gayung kusang loob naman daw na nagpalagay sa kustodiya ng mga pulis at hindi nahuli kaugnay sa krimen ang nasabing fratman.

Sa pagdinig ng Senado kamakailan ay nangako naman si Solano na makikipagtulungan siya para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Castillo.

Read more...