Isinusulong nina Sen. Grace Poe at Sen. Sonny Angara ang resolusyon na naglalayong gawaran ang yumaong si dating Sen. Miriam Santiago ng “Quezon Service Cross” – ang pinakamataas na parangal para sa isang taong nanungkulan sa gobyerno.
Naghain ang dalawang senador ng hiwalay na resolusyon para hikayatin si Pangulong Rodrigo Duterte na igawad ang parangal.
Batay sa inihaing resolusyon ni Poe, ipinagmalaki nito na ang yumaong senadora ang may pinakamaraming batas na naipasa sa senado sa tatlong termino nito bilang senador.
Samantala, binibigyang pugay naman ni Angara si Santiago dahil sa ipinamalas nitong academic, professional, and moral excellence na kanyang hinimok hindi lamang sa mga kapwa mambabatas kundi sa buong sambayanan.
Ang mga resolusyon ay inihain ilang araw bago ang death anniversary ng senadora.
Si Miriam Santiago ay nagsilbi sa publiko sa tatlong sangay ng pamahalaan, ehekutibo, lehistlatibo at hudikatura.
Nakatanggap na rin si Santiago ng Ramon Magsaysay Award for Government Service, na bersyon ng Asya sa Nobel Prize dahil sa kanyang kamay na bakal at epektibong pamamahala bilang kalihim ng Immigration noong 1988.