Pinaghahandaan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang pagsasailalim sa mga public utility vehicle o PUV drivers sa mandatory drug testing bilang bahagi ng kanilang pagsunod sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.
Sagot din ito ng LTFRB sa warning na inilabas ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA patungkol sa paggamit ng mga drug suspects sa mga driver ng Uber at Grab bilang drug courier.
Ayon kay LTFRB Board Member Atty. Aileen Lizada, maglalabas sila ng memorandum circular tungkol sa naturang hakbang.
Ayon pa sa LTFRB, inutusan na rin nila ang mga transport network vehicle services na permanente nang ideactivate ang mga accredited nilang drivers na mapapatunayang sangkot sa pagpupuslit ng iligal na droga.
Dagdag pa ng LTFRB, imumungkahi rin nila sa Land Transportation Office ang pagblacklist sa mga lisensya ng mga driver na sangkot sa iligal na droga.