Isa nang ‘client state’ ng tinaguriang ‘Bamboo triad’ ng Taiwan ang Pilipinas at ginagamit pa ang bansa bilang transshipment point ng shabu na ibinibyahe patungong Estados Unidos.
Ito ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang talumpati sa ika-56 na taong anibersaryo ng Philippine Constitution Association (PHILCONSA).
Sa kanyang talumpati, ipinaliwanag ng pangulo na hindi na ang mga Chinese kung hindi mga Taiwanese na miyembro ng bamboo triad ang nangunguna sa illegal drug operations ngayon.
Ang Taiwanese bamboo triad na aniya ay naging isang international organization na at ginagamit ang Pilipinas bilang stop-over country ng kanilang kontrabando patungo sa iba’t ibang panig ng mundo.
Bukod sa droga, sangkot pa umano sa iba pang uri ng kriminalidad ang bamboo triad.
Ito aniya ang dahilan kung kaya’t dapat makipagtulungan ang Amerika sa Pilipinas upang maresolba ang problema nila sa droga, ayon sa pangulo.