Kinontra ng mga taga-oposisyon sa Kamara ang panukala ni House Majority Leader Rodolfo Farinas na magkaroon ng legislative police ang Kamara.
Ayon kina Albay Rep. Edcel Lagman, Magdalo Rep. Gary Alejano at Akbayan Rep. Tom Villarin, magbibigay ng maling senyales ang panukala ni Farinas.
Bukod dito, magiging dagdag pasanin din aniya para sa gobyerno ang gagastusin dito.
Sinabi ni Alejano, sasapawan lamang aniya nito ang kasalukuyang function ng PNP at magkakaroon ng impresyon ang publiko na gumagawa ng sariling private army ang Kamara.
Base sa panukala ni Farinas, ang legislative police ang magsisilbing police force ng Kamara na mangangasiwa sa seguridad ng lehislatura.
Kasama sa tungkulin ng legislative police ang pagbibigay ng seguridad sa mga mambabatas at ang pagsisilbi ng warrant of arrest sa mga ipinaaresto ng Kongreso.