Breakdown ng pagbibigay niya ng tara sa BOC, inilabas ni Taguba

 

Ibinunyag ng customs broker na si Mark Taguba ang aniya’y breakdown ng “tara” o padulas na ibinibigay niya sa mga “collector” sa Bureau of Customs (BOC).

Maliban dito, ipinakita rin ni Taguba ang mga text messages, withdrawals at call logs na nagpapatunay sa mga umano’y maanomalyang transaksyon.

Ginawa ito ni Taguba sa pagharap niya ulit sa Senado para sa pagdinig ng pagkakapuslit ng P6.4 bilyong halaga ng shabu sa bansa.

Isiniwalat ni Taguba na nagbibigay siya ng P27,000 na tara para sa kada container na hinahati sa ilang mga opisina ng BOC.

Ayon kay Taguba, ang mga nasabing opisina ay ang Import Assessment Services (IAS), Intelligence Group (IG), Formal Entry Division, Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Enforcement and Security Service (ESS), Assessment and Operational Coordinating Group (AOCG), X-ray section at iba pang “collector.”

Sa kabuuan aniya ay nakapagbigay na siya ng P489,000 na tara sa ahensya.

Inilabas rin ni Taguba ang palitan nila ng mensahe ng isang “Maue” na sinasabi niyang kolektor para kay Customs Intelligence officer Joel Pinawin.

Agad namang itinanggi ni Pinawin na naka-transaksyon niya si Taguba, at iginiit na isang beses lang niya itong nakausap nang magsagawa sila ng operasyon sa Baclaran.

Giit pa niya, wala siyang iniuutos kay Mae Escueto na maningil para sa kaniya.

Bilang tugon, ipinakita naman ni Taguba ang kaniyang mga call logs kay Pinawin na nagpapakitang nagkakausap sila mula March 27 hanggang 31.

Dahil dito, ipinatawag na ni Sen. Richard Gordon ang umano’y kolektor na si “Mae” para humarap sa imbestigasyon.

Read more...