Media at mga pulitiko, binaluktot ang katotohanan sa Kian slay case ayon sa pulisya

 

Iginiit ng Caloocan City police na kasalanan ni Kian Loyd delos Santos ang kaniyang pagkamatay, kasabay ng paninisi sa media at mga pulitiko sa pagbaluktot sa mga tunay na pangyayari.

Sa inihain na counter-affidavit ng mga pulis na sina Chief Insp. Amor Cerillo, PO3 Arnel G. Oares, PO1 Jeremias T. Pereda at PO1 Jerwin R. Cruz, iginiit nila na si Delos Santos ay isa talagang drug courier.

Isinalaysay pa nila na noong August 16, may tatlo pang teenagers na naaresto bukod kay Kian, at ang isa sa mga ito ay ibinigay sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) habang sa mga opisyal ng barangay naman ang dalawang iba pa.

Anila, si Delos Santos ang ikaapat na teenager na naaresto sa kanilang Oplan Galugad noong araw na iyon, sabay giit na isolated case ang pagkamatay nito.

Sa apat kasi nilang mga naaresto, bukod tangi anila si Kian na tumakas at nakipagputukan sa mga pulis.

Ang pag-turn over aniya nila sa tatlong iba pang teenagers sa DSWD at sa barangay ay patunay na edukado ang kanilang mga opisyal tungkol sa Oplan Galugad.

Dagdag pa nila, pinalaki lang ng media at ng mga pulitiko ang kaso sa pamamagitan ng pagbaluktot sa mga katotohanan.

Pinalabas anila kasi ng mga ito na mayroong polisiya sa Philippine National Police (PNP) tungkol sa pagpatay sa mga suspek, gayong wala naman talaga.

Anila pa, kung hindi lang isinangkot ni Kian ang kaniyang sarili sa kalakalan ng iligal na droga, hindi rin siya madadamay sa Oplan Galugad, at hindi rin niya kailangang paputukan ang mga pulis na nagpapatrulya.

Ang problema anila, pinapaniwala ng media at mga pulitiko na si Kian ay isang inosenteng menor de edad sa kabila ng katotohanan na isa talaga siyang drug courier.

Katwiran pa nila, mayroon na rin talagang mga sindikato ngayonna gumagamit ng mga menor de edad para gumawa ng mga krimen.

Nahaharap sa mga kasong murder at torture ang mga nasabing pulis na dumalo sa preliminary investigation kahapon.

Read more...