Ito ay kasunod ng pagkaka-aresto kay Jovet Atillano at ang pagkakasamsam sa isang milyong pisong halaga ng ecstasy, P180,000 halaga ng shabu at ilang piraso ng Valium at regulated drug na Mogadon sa Mandaluyong City noong September 19.
Ayon kay PDEA Director Gen. Aaron Aquino, hinihikayat nila ang lahat ng TNVS drivers at operators na tiyakin na hindi sila magagamit sa pag-deliver ng anumang kontrabando.
Sinabi ni Aquino na batay sa ginawa nilang imbestigasyon, lumalabas na ginamit ni Atillano ang serbisyo ng TNVS para i-deliver sa kanyang mga customer ang mga iligal na droga na nakatago sa mga package.
Wala aniyang kaalam-alam ang driver ng TNVS na iligal na droga pala ang dala nito.
Binanggit din ni Aquino na natuto na ang mga drug syndicate at dealers na gamitin ang mobile-based application ng transport network company para mai-deliver ang mga kontrabando.
Dahil dito, hihingi ng tulong ang PDEA sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at TNVS companies para mapigil ang nasabing hakbang.