Ipinagpatuloy ng senado ang imbestigasyon kaugnay sa nagaganap na “Tara system” sa Bureau of Customs (BOC).
Sa isinagawang pagdinig, nanindigan pa rin si dating Commissioner Nicanor Faeldon na hindi umakyat sa session hall para dumalo.
Sa pagtatanong ni Senator Ping Lacson, binanggit nito ang special stop order ng mga shipments sa BOC.
Tinawag pa ni Lacson itong sistema na “Doble Kara na Doble Tara” pa kung saan nakalusot na sa green lane matapos magbigay ng tara sa tiwaling opisyal ng BOC at pagkatapos ay muli pang iisyuhan ng special stop order.
Inginunguso ni Lacson si Mike Saban, na consultant umano sa opisina ni Faeldon na nagre-request ng special stop order at palaging inaaprubahan naman ng commissioner.
Ipinaliwanag naman ni Liza Sebastian, collector na naka-assign sa Customs Intelligence and Investigation Service na ang special stop orders ay ginagamit ng ahensya para mapigilan ang pagre-release ng shipments kahit pa nabayaran na ang
duties at taxes.
Ipinapalabas aniya ang nasabing kautusan ng office of the commissioner base sa rekomendasyon ng mga alerting unit.