Arestado ang mahigit 20 katao dahil sa paglabag sa iba’t ibang mga ordinansya sa lungsod ng Maynila.
Ikinasa ng Police Community Precinct 1 ang mas pinaigting na police operation sa iba’t ibang mga kalsada sa bahagi ng Tondo.
Ayon kay Maj. Romeo Estabillo, deputy chief of police ng PCP 1, 17 mga kalalakihan ang nahuling umiinom ng alak sa pampublikong lugar, habang anim naman ang half-naked o lumalabas sa pampublikong lugar nang walang pang-itaas na damit.
Paliwanag ni Major Estabillo, kanilang isinasagawa ang mga operasyon upang maiwasan ang pagkakaroon ng krimen.
Ayon naman sa ilang mga nahuli, hindi nila alam na bawal ang paglalakad sa kalye nang nakahubad.
At hindi rin umano alam ng mga nahuling nag-iinom sa kalsada na may ordinansang nagbabawal rito.
Paliwanag ni Estabillo, matagal na nilang ipinapatupad ang mga ordinansa at ilang beses na rin silang nanghuhuli.
Hindi rin umano maaring palusot ang kamangmangan sa batas upang makatakas sa parusa.