Nakapagtala na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng daan-daang mga pasahero na naapektuhan ng tigil-pasada ng Stop and Go Coalition.
Sa monitoring ng MMDA, alas 8:00 ng umaga, mayroon nang mga pasahero ang na-stranded sa kahabaan ng Commonwealth Avenue dahil wala na silang masakyang jeep.
Kabilang dito ang nasa 300 pasahero sa Shopwise, Commonwealth; 200 pasahero sa Sandiganbayan at marami ring naapektuhan na mga pasahero sa Commonwealth Market at SM Fairview.
Ang mga naapektuhang pasahero ay sinundo ng government vehicle at saka inihatid sa pinakamalapit na staging area kung saan mayroon silang masasakyan ng bus na magdadala sa kanilang destinasyon.
Kabilang sa mga itinalagang staging areas ng ng MMDA ay ang Technohub, Camp Aguinaldo, SM Marikina, MCU Monumento, Luneta Parade Grounds, Harrison Plaza at MMDA parking lot.
Bawat staging area ay mayroong sampung bus na naka-standby na magsasakay ng mga pasaherong apektado.
Minimum na P20 lang ang pamasahe para sa aircon bus at P10 naman kapag ordinary.
Maliban sa mga bus ay mayroon din namang mga government vehicle gaya ng military trucks ang nagkaloob ng libreng sakay sa mga pasahero.
Samantala, sa Maynila, pinaka-apektado ang mga pasahero sa bahagi ng Pedro Gil na patungo sa Makati.