Sanib-pwersang nagkasa ng counter action ang Joint Task Force Zamboanga at Zamboanga City Police Office laban sa miyembro na si Omar Askali o mas kilala bilang “Ayub” ng ASG.
Ayon kay Colonel Leonel Nicolas, JTF Zamboanga commander, batay sa kanilang Intelligence report, nakatakdang magpasabog ang grupo sa mga pampublikong lugar sa lungsod tatlong araw mula ngayon. Ito aniya ang rason ng ikinasang joint operation para mahuli ang mga bandido.
Narekober sa mga rebelde ang isang hand grenade, cellphone, at dalawang ID.
Isinagawa ang Joint AFP-PNP Law Enforce Operation sa bahagi ng Governor Lim Avenue bandang alas diyes y medya ng umaga kahapon, September 23.
Kilala si Askali na tagasubaybay ni Indama at bihasang gumawa ng mga improvised explosive devices.
Batay pa sa impormasyon, sinabi ring ipinadala ni Indama sina Mukaram Sapie alyas “Mukram” at Shayif para magbomba.
Sa follow-up operation, nadakip din ng militar ang Mukram sa Barangay Taluksangay kahapon.
Nakuha kay Mukram ang isang IED at caliber .45 pistol.
Sa ngayon, patuloy naman ang operasyon sa paghahanap ng isa pang IED nang isiwalat ni Ayub na dalawang IED ang itinago ni Mukram.
Pinuri naman ni Lt. Gen. Carlito G. Galvez, Jr., commander ng Western Mindanao Command, ang operasyon dahil aniya sa tulong ng pinaigting na intelligence operations at kooperasyon kasama ang pulisya.
Nagpapatuloy naman ang isinasagawang follow-up operations sa lugar. /