Tinitignan ngayon ng Commission on Elections ang posiblidad na gamitin muli ang aabot sa 29 million na official ballot na naiprenta na ng ahensya na nakalaan sana para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.
Ito’y dahil sa posibilidad na aprubahan ng Kongreso at ni Pangulong Rodrigo Duterte ang postponement ng Barangay at SK elections.
Ayon kay Comelec chairman Andres Bautista, maaaring gumamit ng stickers o correction fluid para palitan ang petsa sa mga balota, o hayaan na lang ito o magpasa ng resolusyon na magpapahintulot sa nasabing hakbang.
Sa ilalim ng Section 181 ng Omnibus Election Code, kinakailangan na nakasaad sa itaas at gitnang bahagi ng official ballot ang “Republic of the Philippines”, ang salitang “Official Ballot”, at ang lungsod o munisipalidad at lalawigan kung saan isinagawa ang eleksyon, at ang mismong petsa.
Noong nakaraang Miyerkules, sinabi ng Comelec na nakapag-imprenta na sila ng kabuaang 27,950,855 na Barangay at SK election ballots.
Nakasaad sa naturang mga balota ang orihinal na petsa ng eleksyon na “October 23, 2017”.
Matatandaang noong din Miyerkules ay inaprubahan ng Senado sa ikatlong at huling pagbasa ang panukala na magpo-postpone sa naturang eleksyon.