Nagkaunawaan.
Ito ang pahayag ni Pangulong Benigno Aquino III nang matanong sa isyu kung ano ang naging usapan sa pagitan ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo at ng mga opisyal ng gobyerno sa kasagsagan ng rally ng naturang grupo may ilang linggo na ang nakalilipas.
Sa pagharap ng Pangulo sa mga mamamahayag ng Inquirer Group of Companies, ipinaliwanag ng Pangulo na hindi siya ang personal na nakipag-usap sa mga opisyal ng INC.
Sa halip, kanyang ipinadala si Executive Secretary Paquito Ochoa para pangunahan ang usapan.
Sa naturang pulong aniya, nagkaroon ng pagkakataon na makapagpaliwanag ang magkabilang panig kaya’t humantong sa maayos na konklusyon ang rally ng mga taga-Iglesia ni Cristo.
Lumutang din aniya sa nasabing usapin ang paglahok ng ilang grupo na hindi naman kasapi sa Iglesia ngunit nais na samantalahin ang pagkakataon.
Matatandaang noong August 27, nagsimulang magtungo ang mga miyembro ng INC sa harapan ng gusali ng DOJ upang iprotesta ang umano’y pakikialam ni Secretary Leila de Lima sa usapang panloob ng INC.
Kinabukasan, tumungo ang mga ito sa EDSA-Shaw na nagdulot na matinding pagbibigat ng daloy ng trapiko.
Sa kasagsagan ng rally, pumunta ang ilang mga personalidad tulad nina Jose Peping Cojuangco at Tingting Cojuangco na kamag-anak ni Pangulong Noynoy Aquino at Pastor Boy Saycon.
Bagaman hindi direktang sinabi, binalaan ng Malacañang ang mga nagra-rally na mag-ingat sa mga oportunista na maaring samantalahin ang rally ng mga INC.