Nakabuti sa kandidatura ni Interior Secretary Mar Roxas ang pag-urong ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa 2016 presidential race.
Ayon kay Senate President Franklin Drilon, Vice Chairman ng Partido Liberal, malaking tulong ito sa kanilang partido lalo’t dalawa ang makakalaban ng administrasyon sa hanay ng oposisyon.
Ang tinutukoy ni Drilon ay sina Vice President Jejomar Binay na pambato ng United Nationalist Alliance at si independent Senador Grace Poe.
Hindi pa nagdedeklara si Poe, kung tatako o hindi sa mas mataas na posisyon sa 2016.
Ayon kay Drilon, hindi pa naman napag-uusapan sa LP kung kukunin si Duterte na maging Vice President o katandem ni Roxas.
Kasabay nito, umaasa si Drilon na makukuha ni Roxas ang buong suporta ng Nationalist Peoples Coalition.
Nakatakdang makipagpulong si Roxas sa mga miyembro ng NPC mamayang alas-sais ng gabi sa kanilang headquarters sa New Manila, Quezon City.