Pangunahing suspek sa pagkamatay ni “Atio” kakasuhan na ng MPD

Sa araw na ng Lunes ay sasampahan na ng mga kaso ang isa sa mga suspek na nakapatay sa pamamagitan ng hazing sa University of Sto. Tomas law student na si Horacio “Atio” Castillo III.

Sinabi ito ni Senior Inspector. Rommel Anicete, hepe ng Manila Police District Homicide Section kung saan naka-detine ngayon ang suspek na si John Paul Solano.

Ayon kay Anicete, isasampa nila ang kaso sa Lunes sa Department of Justice (DOJ).

Dahil dito, hindi pa aniya nila maisasa-publiko ang mugshot ni Solano.

Sinabi naman ni MPD Spokesman Supt. Erwin Margarejo na mayroon nang waiver of detention si Solano kaya puwede nila itong ikulong kahit na lampas na ito sa 36 hour reglementary period o panahon para sampahan ito ng kaso.

Dumalaw naman kanina sa detention cell ng MPD ang abogado ni Solano kasama ang ilang kaanak na may dalawang pagkain.

Magugunitang si Solano na miyembro rin ng Aegis Juris Fraternity ang nagdala kay Castillo sa Chinese General Hospital kung saan siya ay ideneklarang dead on arrival.

Samantala, sinabi ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre na nagsasagawa na rin ng hiwalay na imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) sa kaso.

Posible rin anya na madagdagan pa ang bilang ng mga miyembro ng Aegis Juris Fraternity na nasa lookout bulletin ng Bureau of Immigration.

Read more...