Pinaniniwalang sanhi ng panibagong nuclear test ang naganap na pagyanig sa North Korea ayon sa ulat ng mga Chinese seismologists.
Ayon sa China, ang “suspected explosion” ay naganap 50 kilometro ang layo mula sa Punggye-ri nuclear site na siyang testing ground para sa ginagawang bomba ng North Korea.
Noong September 3 ay mariing binatikos ng United Nations ang ginawang nuclear test ng NoKor sa lugar na lumikha ng paglindol na naramdaman sa South Korea at China.
Sinabi naman ng mga eksperto sa South Korea na isang natural na lindol ang naramdamang magnitude 3.4 na pagyanig sa lugar.
Wala umanong soundwave ang naganap na lindol hindi tulad noong nagpasabog ng nuclear bomb ang NoKor.
Sa ulat ng U.S Geological Survey ay kanilang sinabi na ang pinakahuling pagyanig ay posibleng likha ng isang malakas na pampasabog tulad ng nuclear bomb dahil naitala ito sa ibabaw ng lupa.
Wala namang inilalabas na pahayag ang NoKor hingil sa nasabing ulat.