MPD nilinaw na walang VIP treatment para sa suspek sa pagpatay kay Atio

Photo from Sen. Panfilo Lacson

Tiniyak ng pamunuan ng Manila Police District Office na walang matatanggap na VIP treatment si John Paul Soriano na isa sa mga suspek sa pagkamatay ng hazing victim na si Horacio “Atio” Castillo III.

Sinabi ni MPD Spokesman Supt. Erwin Margarejo na ang pagiging solo sa loob ng kulungan ng Homicide Section ay hindi nangangahulugan na may special treatment na tinatanggap si Solano.

Nilinaw pa ng opisyal na wala pang inilalabas na affidavit si Solano at hinihintay rin nila ang magiging disposisyon ng hukuman kapag pormal nang nasampahan ng kaso ang nasabing suspek.

Kahapon ay personal na sumuko si Solano kay Sen. Ping Lacson bago siya inilipat sa kustodiya ng MPD.

Bagaman umaming kasapi siya ng Aegis Juris Fraternity, sinabi ni Solano na wala siyang kinalaman sa hazing na nagresulta sa kamatayan ni Castillo.

Si Solano ang lalaking nagdala ng katawan ng biktima sa Chinese General Hospital kung saan ay idineklara itong dead on arrival.

Sinabi ng MPD na itinuturing nilang suspek sa krimen si Solano dahil sa kanyang pagsisinungaling sa mga imbestigador.

Nauna na kasing sinabi ni Solano na nakita lamang niyang inabandona sa Balut sa Tondo, Maynila ang katawan ni Castillo at pumara pa umano siya ng sasakyan para lamang ito maihatid sa pagamutan.

Sa ginawang imbestigasyon ng mga otoridad ay hindi umano nagtugma ang pahayag ni Solano sa mga kuha ng CCTV kaya itinuturing na siyang suspek sa pagkamatay ni Castillo.

Read more...