Ipinagtanggol ng kilalang human rights lawyer at dating Senate President Aquilino Pimentel si Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu ng deklarasyon ng Martial Law sa buong bansa.
Sinabi ni Pimentel na naniniwala siyang limitado lamang sa Mindanao ang pagpapatupad ng Batas Militar at malabo ito na maipatupad sa buong Pilipinas.
Inihayag ng dating mambabatas ang paniniyak sa gitna ng mga batikos kaugnay sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga na idinudugtong naman sa mga kaso ng extrajudicial killings.
Ipinaliwanag ni Pimentel na base sa mga indikasyon ng pangulo ay malabong maideklara ang batas militar sa buong bansa.
Pero tiniyak naman ng dating mambabatas na siya mismo ang mangunguna sa pagbabantay para tiyakin na hindi na mauulit pang muli ang madilim na nakaraan ng ating bansa sa ilalim ng Martial Law.
Si Pimentel at Duterte ay kapwa miyembro ng PDP-Laban kaya sinabi ng mambabatas na malapit sila sa isa’t isa ng pangulo at kaagap niyang malalaman kung sakaling magdedeklara ng batas militar sa buong bansa ang pangulo.