‘Korapsyon at panghihimasok’, tunay dahilan ng pagbibitiw ni Salalima

Isang “emergency general assembly” ang ipinatawag ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Sec. Rodolfo Salalima sa mga empleyado ng kagawaran.

Ito ay upang ipaliwanag sa mga kawani na nakasama niya sa loob ng 14 na buwan ang dahilan ng kanyang pagbibitiw sa pwesto.

Ani Salalima, ang patuloy na korapsyon at pangingialam sa kaniyang tungkulin ang nagtulak sa kanya upang magresign.

Taliwas anya ito sa naging usapan nila ni Pangulong Duterte bago niya tanggapin ang posisyon na wala sanang panghihimasok at korapsyon sa ilalim ng kanyang liderato.

Ayon pa sa kalihim, nilabanan niya ang iba’t ibang uri ng pressure mula sa iba’t ibang ahensya ngunit tinangging pangalanan ang mga ito.

Humingi rin ng paumanhin si Salalima sa kanyang mga empleyado sa hindi pagkonsulta sa mga ito ukol sa kanyang pagbibitiw.

Gayunman, pinapurihan niya ang dedikasyon ng kanyang mga empleyado sa trabaho nito sa kabila ng mga pambabatikos.

Samantala, sinabi naman ni Salalima na hindi pa tinatanggap ng pangulo ang kanyang resignation at nais siyang makausap muna nito.

Read more...