Ang flight ng Cathay Pacific CX 912 na patungo sana ng Hongkong ay nag-emergency landing sa Ninoy Aquino International Airport dahil sa medical condition ng isang pasahero.
Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), dumaing ng matinding pananakit ng tiyan ang pasaherong nakilalang si John Michael Rap, 22 anyos.
Mayroon umanong history ng colon cancer ang lalaki ayon sa Media Affairs ng NAIA. Alas 10:09 ng umaga ng nakalapag sa NAIA ang nasabing eroplano at agad binigyan ng medical assistance si Rap, bago dinala sa San Juan de Dios Hospital.
Samantala, matapos umalis patungong Masbate, bumalik din agad sa NAIA ang flight ng PAL Express.
Sinabi ng CAAP na nabigo ang PAL Express flight 2P 2021 na makalapag sa Masbate nang magka-aberya ang landing gear nito.
Ligtas naman at walang nasaktan sa 32 pasahero at mga crew ng nasabing eruplano.