WATCH: Pamamaril sa isang tricycle driver sa Pasay City, sapul sa CCTV

Patay ang isang tricycle driver matapos tambangan sa kanto ng A.D. Hidalgo at Lakandula St., Brgy. 66, Pasay City.

Sapul pa sa CCTV ang pamamaril sa biktimang si Ricardo Claudio Jr., 22-anyos, namamasada bilang tricycle driver.

Angkas pa ng biktima ang kanyang 4 na taong gulang na anak nang buntutan ng anim na lalaking sakay ng tatlong motorsiklo.

Bumaba ang isang back rider, saka nilapitan ang biktima at tatlong beses na pinaputukan.

Kita rin sa kuha ng CCTV na matapos ang pamamaril, naglakad lang ang gunman upang sumakay muli sa motorsiklo.

Matapos ang pamamaril, isang residente ang lumapit at inakay ang umiiyak na bata at inilayo sa lugar.

Nagtamo rin ng mga galos sa katawan ang bata matapos mahulog sa tricycle ng ama.

Ayon kay Brgy. Chairman Lennon Tawat, kalalaya lamang ng biktima mula sa pagkakakulong.

Nakuha sa crime scene ang tatlong basyo ng bala, at P600 na kita ng biktima sa maghapong pamamasada.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon upang malaman ang motibo at kung sino ang nasa likod ng nasabing krimen.

Read more...