Nagpaalala si Chief Justice Maria Lourdes Sereno na dapat pa ring sundin ang batas ang sa kasagsagan ng laban ng gobyerno kontra kriminalidad.
Isa ito sa mga ipinunto ni Sereno sa kaniyang talumpati sa unveiling ng monumento ng human-rights defender na si Jose Diokno sa Commission on Human Rights (CHR).
Ayon kasi sa punong mahistrado, kung hindi susundin ang batas, maging ang mga matitinong mamamayan ay mabibiktima na rin sa pagtugis ng pamahalaan sa kriminalidad.
Ani pa Sereno, kung kailangang magbuwis ng buhay para maipatupad ito, gawin lang ang kinakailangan basta’t matitiyak na ang lahat ng hakbang ay naaayon sa batas.
Ipinaalala rin niya sa lahat ng mga opisyal ng gobyerno na nanumpa silang lahat na ipagtatanggol ang karapatan ng bawat Pilipino.
Babala niya pa sa mga opisyal na tiwali at lumalabag sa karapatan ng mga tao, na darating din ang panahon na uusigin sila ng kanilang konsensya at pagbabayaran nila ang utang nila sa publiko.
Samantala, nanawagan naman si Sereno sa mga kabataan na tularan ang pagmamahal ni Diokno sa bayan at ang katapangan nito sa paglaban para sa demokrasya ng bansa.
Tiniyak niya rin na ang Saligang Batas ang magsisilbing gabay ng Korte Suprema sa kanilang mga desisyon para sa bansa.