MPD, nanindigan na sina Atio Castillo at John Solano ang laman ng kanilang hawak na CCTV clip

 

Mula sa MPD

Nanindigan ang kampo ng Manila Police District (MPD) na ang hazing victim na si Horacio ‘Atio’ Castillo III at ang pangunahing suspek na si John Paul Solano ang makikita sa CCTV footage na kanilang inilabas kamakailan.

Ang reaksyon ng MPD ay bilang tugon sa mga batikos ng maraming netizens sa social media na nagsabing hindi sina Castillo at Solano ang nilalaman ng CCTV dahil sa maling uniporme na suot ng mga taong nakuhanan ng footage.

Ayon sa mga netizens, hindi mga estudyante ng UST Faculty of Civil Law ang mga taong nasa CCTV dahil iba ang unipormeng suot ng mga ito.

Paliwanag pa ng mga netizens, ang mga estudyanteng nakunan ng CCTV ay mga estuyante ng Commerce, batay sa kanilang suot na long-sleeves at necktie na uniform.

Ang uniporme anila ng civil law students ay polo barong at hindi long sleeves at necktie.

Gayunman, paliwanag ni MPD spokeperson Supt. Erwin Margarejo, nagmula sa isang ‘reliable source’ ang kopya ng CCTV.

Kung may konkretong ebidensya aniya ang mga netizens na magpapatunay na hindi sina Castillo at Solano ang laman ng CCTV ay maaari naman itong direktang idulog sa pulisya.

Si Solano at dalawang iba pa ang mga pangunahing suspek sa pagkamatay sa hazing ng biktimang si Atio Castillo noong Linggo.

Read more...