Isa sa mga suspek umalis na ng bansa 2-araw matapos ang pagkamatay ni Horacio Castillo III

Kumpirmadong nakaalis na ng bansa ang isa sa mga pangunahing suspek sa pagpatay kay Horacio Castillo III na hinihinalang biktima ng hazing.

Base sa rekord ng Bureau of Immigration (BI), lumabas na isang Ralph Caballes Trangia na ang date of birth ay November 10, 1995 ang umalis sa bansa sakay ng Eva Air Flight BR262 patungong Taipei.

September 19, 2017 ang flight ni Trangia, o isang araw matapos pumutok ang balita ng pagkamatay ni Castillo sa hazing.

Magugunitang September 16 nang umalis ng bahay si Castillo para magtungo umano sa welcome party ng Aegis Juris, September 17 araw ng linggo nang dalhin naman ito sa Chinese General Hospital at September 18 ng madaling araw nang lumabas sa media ang balita hinggil sa kaniyang pagkamatay.

Noon lang Miyerkules nakapagpalabas ng lookout bulletin laban sa mga miyembro ng nasabing grupo kasama na si Trangia.

Si Trangia, kasama ang ama niyang si Antonio Trangia at si John Paul Solano ay pinangalanan ng Manila Police District na pangunahing mga suspek sa pagkamatay ni Atio.

Maliban kasi sa pagiging opisyal ng Aegis Juris ni Ralph Trangia, ang Mitsubishi Strada na nakapangalan sa kaniyang ama ang ginamit na paghatid kay Atio sa ospital.

 

 

 

 

 

 

Read more...