Kung mayroong mga magpo-protesta sa Luneta laban sa pangulo, mayroon ding mga taga-suporta si Pangulong Rodrigo Duterte na magtitipun-tipon ngayong araw.
Ayon kay Communications Sec. Martin Andanar, may mga grupong sumusuporta kay Pangulong Duterte na magtutungo naman sa Plaza Miranda mamaya.
Ngayong araw ay idineklara ng presidente bilang “National Day of Protest,” para bigyang daan ang lahat ng mga nais mag-protesta.
Bukod kasi sa pag-gunita sa deklarasyon ng martial law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noong September 21, 1972, may mga nais rin magprotesta laban sa pangulo.
Isang “Movement Against Tyranny” ang ikinasa ng mga bumabatikos sa pagtaas ng bilang ng mga napapatay sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Samantala, binanggit naman ni Andanar na kasama sa mga supporters ng pangulo na magtitipun-tipon mamaya ay ang partido nitong PDP-Laban, Mayor Rodrigo Roa Duterte National Executive Coordinating Committee at iba pa.