Anim na barko na may sakay na mga lalahok sa rally bukas, iniimbestigahan na ng PNP

Nagsasagawa ng validation ang Philippine National Police (PNP) sa natanggap nilang impormasyon na mayroong anim na barko na may lulang mga indibidwal na pasasamahin sa mga kilos protesta bukas, Sept. 21.

Ayon kay PNP chief Director General Ronald Dela Rosa, bineberipika nila ang impormasyon na mayroong anim na barko lulan ang mga indibidwal mula Mindanao at Visayas.

Pasasalihin umano sa rally ang nasabing mga sakay ng barko.

“Galing Mindanao at Visayas, expected natin iyan, kasi hirap sila kumuha ng tao sa Luzon area. Ang kinukuha nila yung mga madaling mauto na native sa Mindanao,” ani Dela Rosa

Sinabi ni Dela Rosa na hindi pa kumpirmado ang nasabing report at patuloy pa rin nila itong minomonitor.

Kabilang din sa inaalam ng PNP ay kung mayroong mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na sasali sa mga protesta.

“Pati yung mga galing sa armadong NPA, hindi lang nagdadala ng armas pero sumasama sila sa rally, binabantayan natin ng husto,” dagdag pa ni Dela Rosa.

Sa ngayon, wala pa namang natanggap na intelligence report ng pananabotahe ang PNP para sa mga ikakakasang malawakang kilos protesta bukas.

Kaugnay nito sinabi ni Dela Rosa na plantasado na ang segurirad para bukas September 21 mismong ika-45 anibersaryo ng Martial Law.

Handa na rin aniya ang National Capital Region Police Office at Manila Police District para matiyak na magiging ligtas at maayos ang mga aktibidad na isasagawa ng iba’t ibang grupo.

Read more...