Iba pang “traffic scheme”, iminungkahi ng mga ahensya ng gobyerno

11997467_897725640293995_1308793323_nIlan pa sa mga tinitingnang solusyon ng mga ahensya ng gobyerno sa matinding trapiko sa Metro Manila ay ang odd-even scheme, car pooling at pagdaragdag ng mga pampasaherong bus upang mas maraming pasahero ang makasakay.

Napagusapan ang mga nasabing panukala sa pagdinig kahapon ng Senate committee on economic affairs kasama ang committee on public works.

Ito ay matapos tanungin ni Sen. Bam Aquino ang Metro Manila Development Authority (MMDA) kung ang pagtatalaga ng mga Highway Patrol Group sa EDSA ay panandalian lamang.

Ani Aquino, sa ngayon ay sinusubukan pa rin kasi ang pagiging mabisa ng eksperimentong ito, at sakaling hindi ito gumana, maaari pa naman silang gumamit ng ibang paraan.

Ayon kay MMDA Undersecretary Corazon Jimenez, mayroon pa namang ibang pwedeng pagpilian katulad na lamang ng odd-even scheme at car pooling.

Ipinanukala naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay dagdagan ang mga pampasaherong bus na bumabyahe sa EDSA para makasakay ang maraming pasahero lalo na tuwing rush hours.

Para kasi kay LTFRB chairman Winston Ginez, hindi pa sapat ang 3,385 na mga city buses at 8,741 na provincial buses na naitalang kasalukuyang bumabaybay sa EDSA para masalo ang dami ng mga pasaherong bumabyahe. Ngunit nang tanungin siya ni Sen. Aquino kung ilan pa ba ang kailangan idagdag, wala siyang naibigay na eksaktong bilang.

Naisip na rin aniya ng kanilang ahensya na alisin ang number coding para madagdagan ang mga bumabyaheng bus, ngunit kinwestiyon ito ni Aquino at sinabing baka mas lumala pa ang sitwasyon ng trapiko kung ganoon ang gagawin.

Iginiit ni Ginez na hindi iyon ang kanilang pananaw dahi aniya, “Ang key po rito, kung mapapaikot ng mabilis through strict enforcement, implementation po ng yellow lane ay talagang makakaikot ang mga buses po natin so ibig sabihin po nun we can actually accommodate yung mga number of city buses, even 2,000, than what’s actually running now.”

Dagdag pa niya, kapag natapos ang isang linggong eksperimento ng paglalagay ng mga HPG sa EDSA at pagpapatupad ng striktong implementasyon ng yellow lane, malalaman din kung totoo ngang ang mga bus ang sanhi ng matinding trapiko sa nasabing highway.

Read more...