Hamon ito ng pangulo sa mga magpo-protesta bukas para pababain siya sa pwesto, kasabay na rin ng pag-gunita sa deklarasyon ng martial law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ayons a pangulo, ire-reroute na lang niya ang traffic at hihingi ng paumanhin sa publiko dahil may mga taong nais okupahin ang EDSA.
“I will just reroute traffic and ask the people: ‘I’m sorry, but there are guys there that want to occupy [Edsa]’,” ani Duterte.
Papayagan pa aniya niya ang mga ito na gumamit ng mga sasakyan ng pamahalaan, pero ang kondisyon lang niya sa mga magpo-protesta na isagawa ito nang mapayapa.
Kaya rin aniya niya itong tiisin sa loob ng isang taon, para malaman kung ano talaga ang nais ng mga Pilipino.
Umaasa pa ang pangulo na sana ay umabot ang dami ng mga magpo-protesta sa dami ng nagtipun-tipon noong EDSA revolution.
Ayon pa kay Duterte, maari naman siyang magbitiw sa pwesto at hindi siya magmamatigas dito kung nais na talaga siyang paalisin ng mga tao.
Wala naman aniya siyang ilusyon sa pagiging presidente, at hindi siya magpapakabaliw para dito.
Sakali man aniyang magsumite na siya ng resignation sa Kongreso, kailangang isailalim ito sa concurrence ng militar, na siyang magtitiyak na masusunod ang rules of succession.