Level-up na sa pagdedeliver ng iligal na droga ang mga drug dealers ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino na nagagamit na ng mga drug dealers ang mga mobile based app transport network vehicle services o TNVs tulad ng Grab at motor bikes.
Ani Aquino, ang paggamit ng mga TNVs na ito upang itransport ang mga droga mula sa iba’t ibang lugar ay matagal nang ginagawa.
Nais ni Aquino na mahinto agad ang ganitong pamamaraan ng drug trafficking.
Dahil dito, makikipag-ugnayan ang PDEA sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board upang maresolba ang isyu.
Ito ang pagbubunyag ni Aquino matapos ang pagkakaaresto sa isang online seller ng shabu sa Mandaluyong City na kinilala sa pangalang Jovet Atillano, 22-anyos.
Hindi lang ang paggamit ng TNVs sa pagbebenta ng iligal na droga ang pinuna ng PDEA Chief kundi ang online selling nito.
Nakuha sa suspek ang iba’t ibang uri ng droga tulad ng shabu, valium tablets at party drugs na nagkakahalaga ng 1.4 milyong piso.