Isa sa kanilang mga aksyon ay ang pagsasaayos ng mga tumatagas na tubo at pagpapahaba ng oras ng operasyon ng kanilang mga pumping stations.
Sa pahayag ng Maynilad, sinabi nila na maglalabas sila ng apat na portable water treatment plants sa mga liblib na lugar, magtatayo rin sila ng mga stationary tanks at magpapadala ng mga water tankers sa mga lugar labis na maaapektuhan.
Ito ay matapos magdesisyon ang National Water Resources Board (NWRB) na bawasan ang supply ng tubig sa Metro Manila na nanggagaling sa Angat Dam mula sa dating 41 cubic meters per second na ngayon ay 38 cms na lamang bilang pagtitipid at paghahanda sa pagbugso ng El Niño sa mga susunod na buwan.
Tinatayang nasa 900 na barangay o 56% ng kanilang concession area ang makakaranas ng pagbawas sa supply ng tubig, at 18% sa mga ito ay inaasahang labis na maaapektuhan tulad na lamang ng kawalan ng supply sa loob ng 12 oras.
Ayon kay Engr. Ronaldo Padua na pinuno ng Maynilad Water Supply operations, para masolusyunan ang inaasahang kakapusan, magsasagawa ng rotating water service interruptions ang Maynilad na iaanunsyo naman nila dalawang araw bago ang implementasyon upang magkaroon pa rin ng sapat na panahon ang mga residente na makapag-imbak ng tubig.
Mas mapaghahandaan na ng Maynilad ang El Niño ngayong taon dahil ayon sa kanila, mas pinaunlad na nila ang kanilang operasyon nang maranasan rin ang El Niño noong 2010, tulad na lamang ng pagdadagdag ng kanilang water storage capacity mula 281 MLD (million liters per day) na naging 561 MLD na matapos rin dagdagan ng 11 reservoirs ang 14 na dati nang mayroon sila.